Sinulid

Sinulid 
Ni: Tristan Jhae C. De Vera

                  Alam mo ba kung ano ang sinulid? Hindi ba ito ay napaka-pino at mayroong iba’t ibang kulay? Ngunit ang sinulid ay isang hibla na kung pagbubuklurin ay makabubuo ng isang kasuotan. Tulad ng sinulid ang dinastiyang politikal na kung saan may iisang angkan ang namumuno sa isang lugar.
                  Hindi biro ang paggawa sa isang kasuotan. Ito ay dumaraan sa maraming proseso tulad na lamang ng pagpili ng uri ng tela, mananahi, disenyo at lalung-lalo na ang kalidad at uri ng sinulid.  Sastre at modesta ang tawag sa mga mananahi. Ang pinakamatibay at pinakamagandang sinulid ang gagamitin niya sa pananahi. Kahalintulad ng sinulid ang dinastiyang politikal.
                  Sa dinastiyang politikal, mayroong iisang pamilya na namumuno sa kanyang nasasakupan at tulad ng sinulid, ang pinakamayaman, pinakamatibay, at pinakamakapangyarihan ang nauupo sa trono ng katiwalian.
                  Sa pagkahaba-haba ng panahon, bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nasusugpo? Kaya hanggang ngayon hindi ito nasusupil ay dahil na rin sa  kanilang pamimili ng boto at pagmomonopolyo ng halalan. Sa pagdaan ng taon, lalong dumarami ang korapsyon at katiwalian sa gobyerno na kinakailangan nang lutasin kung hindi ito’y sisira sa ating Inang Bayan.
                  Ang Anti-Dynasty Bill ay kailangan nang ipasa upang matigil na ang pananamantala ng mga dinastiya sa taumbayan. Ang bill na ito ay makatutulong sa pag-unlad ng bansa at ito rin ay makapipigil sa mga politiko na gusto lamang ay kaningningan ng pangalan.
                  Wala naming naidulot na maganda ang dinastiyang politikal dahil kahit sabihin na malinis sila, mayroon pa ring “under the table” na transaksyon na hindi alam ng mga Pilipino. Ito ay isang halimbawa lamang ng epekto ng dinastiyang politikal na dapat iwaksi.
                  Tinatayang 70% ng mga politiko ay galling sa mga dinastiya. Ang mga apelyidong Aquino at Marcos ay mga halimbawa ng dinastiya na magpahanggang ngayon ay namamayagpag sa pulitika.
                  Sobra na ang dinastiyang politikal sa Pilipinas. Iniisip lamang ng mga nasa pwesto ang kanilang sarili at nalilimutan na ang kanilang mga mamamayan. Kinakailangang matigil na ito upang sa gayon ay maging matiwasay na ang ating pamumuhay. Magkaisa tayong labanan ang mga dinastiya. Kaya bilang Pilipino, ano ang kaya mong gawin upang lutasin ang mga isyung panlipunan lalo na ang dinastiyang politikal? Ikaw kabataan, ano ang magagawa mong bahagi sa paglutas sa isyung ito? Hindi ba kabataan ang siyang pag-asa ng bayan?

Comments

Popular posts from this blog

Isang Bansa, Isang Diwa

Kapalaran ng Kalikasan